Pagsanjan Website : www.pagsanjan.org
4
 - POEM by RODEL UAL -






ANG PISTAHAN SA PAGSANJAN

 

1

Sumisigla ang paligid pagpasok na ng Disyembre

Pasimano ng bintana’y kinikinis na ng uple

Malilinis ang bakura’t may gayak ang mga kalye

Pintakasing sasambahin ang Birhen Ng Guadalupe

 

2

Mil quinientos trenta y uno sa isang burol sa Mexico

Inang Birhen’y nagpakita sa hamak na si Juan Diego

At ang utos ay humayo at sabihin sa Obispo

Sa may burol ng Tepeyac, ang simbahan ay itayo

 

3

Di mabilang na paglait ang malungkot na dinanas

Walang patid na pagkutya nang ang pakay ay ihayag

Ang marangal na Obispo ay nang kaniyang makaharap

Sinuri ang pagkatao at matatag na nangusap

 

4

“Humayo ka at magbalik at sabihin sa Birhen mo

Na bigyan ka ng panandang lahat ito ay totoo.”

At nang siya ay umalis, pinasundan sa katoto

Tagubiling usisain ang nag-utos ay kung sino

 

5

Ano nga ba’t nang dumating sa may burol na tagpuan

Nagliwanag ang paligid, nabago ang kabundukan

Ang alagad ng Obispo’y isa isang nagtanungan

Sa kanilang pagkalito, lahat sila ay naligaw

 

6

Samantala kay Juan Diego, ang Birhen ay nagpakita

Kahilingan ng Obispo’y inilahad kapagdaka

Ang tugon ng Inang Birhen ay huwag aniyang mabahala

May sumulpot na bulaklak, sa Obispo ay dinala

 

7

Nang iabot sa Obispo ang pinupol na bulaklak

Nagliwanag ang palasyo, sumabog ang halimuyak

Ang balabal ni Juan Diego ay nang kaniyang mailadlad

Larawan ng Inang Birhen ang nakitang nakalimbag

 

8

Agad agad na kumilos si Obispo Zumarraga

Sa burol na itinuring ay nagtayo ng kapilya

Milyon milyon ang pagano na naakit na sumamba

Nagpabinyag na Kristiyano, iniwan si Montezuma

 

9

Ang Imahen sa balabal noong unang ipaglakbay

Ang bayan kong Pilipinas ang una niyang pinuntahan

Hindi nga ba karangalan na sa bayan ng Pagsanjan

Ang Birhen ng Guadalupe ay tangkilik nating mahal

 

10

Taas baba ang pag-ikot ng maingay na tsubibo

May tulakan sa paghanay ang maraming mga tao

Sa may plaza’y nakahanay ang mesa ng beto-beto

May ruleta, pula’t puti, may putukan pa ng lobo

 

11

Dinudumog ng marami ang laro ng dagang kosta

Taga-aliw ay galawgaw na tauhang kumakanta

Nangingiti sa sariling ang tanong sa isa’t isa

Yaon bagang kumakanta ay binata o dalaga?

 

12

Yaong mga magulangin sama samang nakaupo

Hinahanap sa talaksan ang karton niyang paborito

Pagkatapos mangolekta’y isisigaw ang numero

Naiinis pag mayroong nakaunang naka Bingo

 

13

Masasayang namamasyal ang maraming dalagita

Ang maraming binatilyo’y sunod naman kapagdaka

Sapat na ang makasulyap pagkat umid yaong dila

Ngingiti nang anong tamis kapag mata ay nagtama

 

14

Sa araw ng kapistahan bawat bahay ay may handa

Mga banda ng musiko’y masipag na gumagala

Sa lansanga’y naglalakad ang maraming mga bata

Kaibiga’t kamag-anak na laong di nakikita

 

15

Pagsapit ng dakong hapon, natitipon sa simbahan

At sasama sa prosisyong liligid sa buong bayan

Naroroong matalapid o mabunggo sa unahan

Papaano’y nakamasid sa maraming nakadungaw

 

16

Marangal na lumilibot ang Birhen ng Guadalupe

May alay na pagpapala sa maraming nagbubunyi

At kung iyong pagmamasdan ang malamlam Niyang ngiti

Maririnig ang habiling kay Juan Diego ay sinabi

 

17

“Pakinggan mo at hayaang sa puso mo ay tumimo

Huwag hayaang kalungkutan ikaw’y agad na igupo

Sa sakit at suliranin o balisa’y huwag sumuko

Ako bilang iyong Ina ay wala ba sa tabi mo?”

 

18

“Wala ka ba sa lilim ng masusi kong pag-iingat?

Di ba ako ang daluyan ng buhay ng mga tapat?

Di ba ikaw ay kalinga at sa bisig ko ay yakap?

Mayron ka bang kailangan? Sabihin mo aking anak!”

 

19

Kung hindi ka kilabutan sa wika ng Inang Mahal

Kung ang tanging mahalaga ay handaan at pasyalan

Kung hindi mo maalalang bahagya man ay magdasal

Sa Birhen ng Guadalupe ang hatid mo’y kalungkutan

 

20

Di ko balak na hadlangan ang lahat ng kasayahan

Ang Mahal na Inang Birhen’y huwag lamang kalimutan

Ang malugod na bati ko sa lahat ng kababayan

Sumainyo ang payapa at galak ng pagdiriwang

 

 

Rodel B. Ual

November 17, 2003

------- o0o -------

Back to Top

© 2000-2003 Pagsanjan.org, All Rights Reserved.