|
|
|
PAGSANJAN, AKING BAYAN
1
Kapag ako'y nalulungkot at magulo ang isipan
Kung ang mga sulirani'y tila walang kalutasan
Ang mata ko'y ipipinid at sandaling babalikan
Ang gunita ng Pagsanjan, ang bayan kong sinilangan
2
Alaala ko pa noong ako'y isang munting paslit
Ang Pagsanjan akala ko'y kabuuan ng daigdig
Palibhasa'y kakarampot ang abot ng pagiisip
Ay hindi ko inakalang may bayan pang nakaligid
3
Itong munting paraiso na siya kong kinagisnan
Nakabaybay sa laot ang malalawak na palayan
Karaniwang makikita sa tabi at likod bahay
Mga puno ng lansones at ang iba'y may sagingan
4
Yaong mga mayroroong malalawak na bakuran
Ay may tsiko at bayabas at maraming mga gulay
May manok na gumagala at maliit na babuyan
Ang anumang naiisin mo ay tila nga abot kamay
5
Masaya kong masasabi na noong aking kabataan
Nakuha kong galugadin ang hanggahan ng Pagsanjan
Kaya ako nakalibot ay di dahil namamasyal
Kundi udyok ng pagtugon sa maraming kailangan
6
Magmula sa bahay namin sa baryo ng Sampalokan
Tinutunto'y Calusiche baryo Dingin at Layugan
Magkaminsa'y nagagawi sa Buboy at Cabanbanan
Papauwi ay dadaan sa Sabang at baryo Binan
7
Magmula sa Maulawin tungo'y Lambac at Anibong
Sa may gradas naglalaro ang maraming mga unggoy
Doon mo rin makikita ang maraming mga ibon
Malalaki't matataas na maraming punongkahoy
8
Bumaling ka sa kaliwa pagkatawid nitong tulay
Matutumbok ay palengke na sakop ng San Sebastian
At dahil nga sa alamat ay binago ang pangalan
Na sa ngayon ay kilala sa taguring Pinagsanghan
9
Sa kabila ng Bumbungan ay Balubad o Magdapio
Na liban sa taga roo'y kokonti ang nagtutungo
Papaano'y lumang tulay, kung tawiring nakatungo
Sa lakas ng paglambayog ay tiyakang mahihilo
10
Ang burol ng San Isidro'y di ko kayang malimutan
Pagkat doon nakatirik ang mababang paaralan
Kung wala man sa loob mo ang seryosong pagaaral
Anim na taong araw araw, papasok nang sapilitan
11
Yaong sementadong tangke na naroon sa ikatuktok
Ay pasyalan ng maraming mga batang umiirog
May drawing ng mga pusong may sibat na nakatusok
Ililimbag ang pangalan at susumpang di lilimot
12
Ang una mong mapapansin pagpasok ng kabayanan
Ay ang arkong nababalot ng maraming kasaysayan
Sa haba ng kalye real, sa kaliwa at sa kanan
Makikita ang maraming sinaunang mga bahay
13
Yaong ilog ng Balanak na nagmula sa Botocan
Kung panahon ng tag-araw ay kay daming namamasyal
Ganoon din sa lagaslas nitong ilog ng Bumbungan
Nagsasanib ang dalawa patungo sa kalawaan
14
At sino ang Pilipinong hindi sukat makaaalam
At sino ang di nagnais na mamasyal sa Pagsanjan
Ang magandang Pagsanjan Falls, bukang bibig ng dayuhan
Kapag minsang narating mo'y pipiliting mabalikan
15
Tanda ko pa noong araw ang lahat ng magaaral
Ay tungkuling pagandahin ang lansangan ng Pagsanjan
Ang bandera espanyola ay masusing ihahanay
Babakuran ng maraming pinturadong batong buhay
16
Marami ang kabataang hindi naging kasing palad
Na makita ang Pagsanjan na maganda't aliwalas
Nagulantang mandin ako noong aking napagmalas
Sa ngalan ng kaunlaran, kagandahan ay kumupas
17
Ang agos ng tubig ilog na malinaw noong araw
Dahilan sa nag qua-quarry, patis labo na ang kulay
Kung noon ay sumusuba ang kanduli, karpa't ulang
Ngayon kahit na pauto ay madalang na madalang
18
Wala na ang pinong pino't malinis na buhanginan
Wala na ang nananalap ng masarap na bangayngay
Wala na rin yaong tulyang sa buhangin kinakaykay
Tabing ilog ay madawag at maburak na putikan
19
Kung ako ay mangangarap, ang nais kong panagimpan
Ay tahimik na Pagsanjang mga puno ay luntian
Naglalakad sa may ilog sa gitna ng halamanan
Nananalbos ng kamote kasama ang kasintahan
20
May santol at may sampalok, may lansones at may lukban
May makopa at may yambo at may manggang pahuhutan
May langka at kaimito at may rimas at dalungyan
May mura at makapuno na alay ng kabukiran
21
Kung nais na magminindal, may pinaltok at may suman
Puto bula o kutsinta, sinukmane at palitaw
May minukmok at espasol, may bibingka at kalamay
May maruya at bukayo at mais na bagong ihaw
22
Pritong ahot at tinapa at kamatis na sawsawan
May papayang inatsara ang nais kong tanghalian
Pesang dalag at gurami at may hitong iniihaw
Pako't suso't biyang daing ang pangarap na hapunan
23
Pagkagising sa umaga, ang masarap na almusal
Tamis anghang na salabat at mainit na pan de sal
Nilalakong kesong puti ang masarap na palaman
Ay ale po keso kayo, ang sigaw ng taga Lumban
24
Sa wakas ng aking tula ay may isang katanungan
Na kung inyong marapati'y hanapan ng katugunan
Mayron pa ba kaya tayong magagawang mga hakbang
Upang muling maibalik ang nawalang kagandahan
25
Salamat po nang marami at ako ay pinayagan
Na balikan sa gunita ang maganda nating bayan
Ngayong tayo'y natitipon, sabay sabay na isigaw
Mahal ko ang aking bayan, ang bayan ko ay Pagsanjan
"Mahal ko ang aking bayan, Ang bayan ko ay Pagsanjan !"
Rodel B. Ual
July 12, 2003
The above poem was delivered by Rodel Ual on July 12, 2003,
during the gala night
at the Crowne Plaza Hotel & Resort, La Guardia, New York
- Pagsanjan Reunion 2003 -
.PDF format;
.DOC MS Word document
------- o0o -------
Back to Top
© 2000-2003 Pagsanjan.org, All Rights Reserved.
|